Itinutulak ngayon sa Kamara ang panukalang batas na layong amyendahan ang Price Act upang mabigyang proteksyon mula sa hindi makatwirang pagtaas sa presyo ng batayang pangangailangan at bilihin ang mga lugar na tinamaan ng kalamidad.
Hindi bababa sa 20 lugar sa bansa ang inilagay sa State of Calamity dahil sa pananalasa ng bagyong Kristine kung saan awtomatikong iiral ang price freeze.
Sa ilalim ng House Bill 7977 o Expanded Basic Necessities and Prime Commodities Act, bibigyang kapangyarihan ang Price Coordinating Council (PCC) o alinman sa member-agencies nito na palawigin ang listahan ng pagkain at iba pang non-food items na sakop ng price freeze sa mga lugar na sinalanta ng kalamidad o yung nasa ilalim ng State of Calamity.
Halimbawa nito ang potable water, kerosene, liquified petroleum gas (LPG), at instant noodles, na sa kasalukuyan ay hindi tuwirang nakasaad sa mga ikinokonsidera na “prime commodities” sa ilalim ng Price Act.
Sa kasalukuyan ang mga “prime commodities” sa ilalim ng batas ay: sariwang prutas, harina, dried, processed o canned pork, baka, o manok, dairy products, noodles; sibuyas, bawang, suka, patis, toyo, sabong panligo, fertilizer, pesticides, herbicides, feeds at gamot ng manok, baboy, o baka, veterinary products, school supplies, nipa shingles, sawali, semento, clinker, yero, hollow blocks, plywood, ply board, pako, baterya, electrical supplies, bombilya, at alambre. | ulat ni Kathleen Jean Forbes