Sisilipin ng House Committee on Good Government and Public Accountability ang posibleng maling paggamit ng P612.5 million na confidential funds mula sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).
Sa pagdinig ngayon ng House Blue Ribbon Committee, sinabi ni Manila 3rd District Representative Joel Chua at Chairperson ng komite, na marami ang nababahala sa umano’y “improper at unexplained” o hindi maipaliwanag na paggastos ng pondo sa loob ng dalawang taon.
Ang pagkadismaya aniya ay dulot ng natuklasan ng komite kung paano ginamit ng OVP at DepEd ang pondong ipinagkaloob sa kanila noong 2022 at 2023, kung saan parehas na pinamumunuan ni Vice President Sara Duterte.
Diin ng committee chair, mahalaga na masagot ito ng OVP Special Disbursing Officer sa katauhan ni Edward Fajarda dating SDO ng DepEd at OVP.
Sa kabuuang P612.5 million, P500 million dito ay para sa OVP at P112.5 naman ang para sa DepEd base sa ulat ng Commission on Audit. | ulat ni Melany Valdoz Reyes