Tiniyak ni Finance Secretary Ralph Recto na patuloy ang pagsisikap ng pamahalaan na maiparating sa mga apektado ng nagdaang bagyong Kristine at super typhoon Leon ang tulong.
Ayon kay Recto ito ay upang maka-recover agad ang mga kababayan mula sa pananalasa ng kalamidad.
Sa katunayan aniya, ipinag-utos na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang lahat ng mga ahensya ng gobyerno ang madaliin ang paghahatid ng relief, assistance, at rehabilitation.
Samantala, sinabi rin ng kalihim, na ang “slight uptick” sa October inflation ay dahil sa “temporary factor” gaya ng mga nagdaang kalamidad sa bansa.
Una nang siniguro ng kalihim sa publiko ang sapat na pondo ng gobyerno upang agarang pondohan ang relief and rehabilitation ng mga lugar na dinaanan ng bagyo at ang pagtulong sa mga lokal na pamahalaan na palakasin ang kanilang paghahanda at pagresponde tuwing may kalamidad. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes