Iniharap na ng Land Transportation Office ang nagmamay-ari at driver ng kontrobersyal na puting SUV na may protocol plate 7 at nahuling dumaan sa EDSA Carousel na eksklusibo lamang sa mga bus.
Ang sasakyan ay company car ng Orient Pacific Corp na minamaneho ng kanilang driver na kinilalang si Angelito Edpan noong Nov. 3.
Ayon kay Omar Guinomla, direktor ng kumpanya, may ikinakasa na rin silang internal investigation sa nangyari kasama ang rason kung bakit may protocol plate 7 sa kanilang company vehicle.
Humingi naman ng paumanhin ang driver ng kumpanya sa kanyang ginawang pagdaan sa Edsa Busway. Hindi rin aniya nito intensyon na makasakit ng enforcer.
Ayon sa kanya, naghatid lang siya ng investor ng kumpanya na hindi pinangalanan.
Tineketan naman na ng LTO ang driver ng kumpanya sa patong-patong na violations kabilang ang disregarding traffic sign, reckless driving, failure to attach regular plate at ang paggamit ng protocol plate.
Sinabi rin ni LTO Chief Asec. Vigor Mendoza II na posible pang madagdagan ang violation nito at mapapanagot din maging ang kumpanya.
Una nang kinumpirma ng LTO na peke ang ginamit na protocol plate ng kontrobersyal na SUV. | ulat ni Merry Ann Bastasa