Kasabay ng paghingi ng paumanhin, ay nagpaliwanag ang driver ng puting SUV na may pekeng protocol plate 7 kung bakit ito dumaan ng EDSA busway na eksklusibo lamang sa mga bus.
Ayon sa driver ng Orient Pacific Corp na si Angelito Edpan, masakit na ang kanyang tyan kaya nagmamadali na para maihatid ang kanilang guest sa isang mall sa Mandaluyong mula sa East Ocean Restaurant.
Sumubok lang din aniya siya dahil linggo naman noon at hindi akalaing masisita.
Inamin din ng driver na hindi niya kilala kung sino ang mga sakay nito dahil pinahatid lamang umano ito sa kaniya ng kumpanya.
Nagsorry din ang driver sa enforcer na muntik na nitong masagasaan.
Sa inisyal na pagtaya ng LTO, aabot sa P9,000 ang multang babayaran ng naturang driver dahil sa patong-patong na paglabag kabilang ang disregarding traffic sign, reckless driving, failure to attach regular plate at ang ilegal na paggamit ng protocol plate.
Ayon naman kay LTO Asst Secretary Mendoza na ang mga penalties ay inisyal pa lamang at maaaring madagdagan pa depende sa resulta ng kanilang ginagawang imbestigasyon sa isyu.
Tiniyak naman ng Orient Pacific Corporation ang buong kooperasyon sa ginagawang imbestigasyon ng LTO.
Kaugnay nito, itinanggi rin ni Atty Maria Julieta Santos, abogado ng Orient Pacific Corporation na asawa ng isang public figure ang isa sa may ari ng kanilang kumpanya. | ulat ni Merry Ann Bastasa