Hinihikayat ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang lahat ng mga Pilipino na sama-samang harapin ang bagyong Marce, nang handa at batid ang pinakahuling impormasyon kaugnay sa sitwasyon.
“Salubungin natin ang bagyong Marce na may ibayong paghahanda, sa abot ng ating makakaya, alinsunod sa mga matagal ng nailatag na mga patnubay sa ganitong hamon.” -Pangulong Marcos Jr.
Ayon sa Pangulo, naka-high alert na ang mga tanggapan ng pamahalaan at alam na nila ang dapat gawin.
“Sa mga ahensya ng pamahalaan, you all know the drill. I am placing you all in high alert.” -Pangulong Marcos
Nasimulan na aniya ng pamahalaan ang paglalatag ng isang maayos na komunikasyon, kung saan magiging mabilis ang paghahatid ng abiso at impormasyon sa publiko.
Pagbibigay diin ng Pangulo, sa mga abisong ito nakabatay ang desisyon at aksyon ng publiko sa mga abiso ng pamahalaan.
“Simulan natin sa pagkasa ng isang maayos na sistema ng komunikasyon na mabilis maghahatid ng abiso at impormasyon sa mga mamamayan. Tandaan na nakabatay ang kanilang pagkilos sa mga maagang warnings na inyong ipaaabot. Knowledge saves lives.” -Pangulong Marcos
Pinatitiyak rin ng Pangulo ang mahigpit na pagbabantay sa lahat ng ilog, lawa, baybayin, at anomang daluyan ng tubig. At hindi aniya siya magsasawa na ulit-ulitin ang paalalang ito.
“Sa mga dams na maapektuhan, ipinauubaya ko sa mga ekspertong kawani ng mga ito na sundin ang nararapat na hakbang batay sa existing protocols kung may nagbabadyang pag-apaw ng tubig.” -Pangulong Marcos
Kaugnay nito, pinakakasa na rin ng Pangulo ang lahat ng rescue equipment at iba pang kagamitan ng lahat ng tanggapan ng pamahalan, lalo na ang mga sasakyan.
“Ang mga relief goods ay dapat forward deployed na sa mga ligtas na imbakan upang mabilis silang maipamigay sa mga nasalanta.” -Pangulong Marcos.
Habang ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Transportation (DOTr), naka-standby na aniya para sa mabilis at ligtas na road clearing operations.
Pinagagamit rin ng Pangulo ang lahat ng makinarya, truck, at tulong na ipagkakaloob ng mga pribadong kumpaniya, na kalahok sa Build Better More infrastructure programs ng administrayon.
Habang pinasalamatan rin ng Pangulo ang lahat ng medical personnel na naka-stand by sa pagbibigay ng medical service sa mga maaapektuhan ng bagyo.
“Ngayon pa lang pinapasalamatan ko na ang lahat ng medical personnel, sa publiko man o pribadong mga pasilidad, na nakaantabay na maglapat ng lunas sa mga nangangailangan. Tandaan, ang bawat buhay ay mahalaga. Kaya dapat tayo ay laging handa, laging mag-iingat.” -Pangulong Marcos. | ulat ni Racquel Bayan