Tiniyak ni Senate Committee on Finance Chairperson Senator Grace Poe na paglalaanan ng sapat na pondo ang pagpapanatili ng national security ng Pilipinas sa ilalim ng kanilang bersyon ng panukalang 2025 national budget.
Matapos ang naging kontrobersiya kay dismissed Mayor Alice Guo, pinaglaanan ng pondo ng Senado ang Automated Biometrics Identification System ng Bureau of Immigration.
Sa tulong nito ay magkakaroon ng biometric verification at cross-matching sa criminal database para sa mga pasaherong papasok at lalabas ng ating bansa.
Sinabi rin ni Poe, na popondohan rin ang pinakabagong mobile facial and fingerprint technology sa mga special o chartered flights para matiyak na walang human trafficking na makakalusot sa mga private plane.
Isusulong rin aniya ang pagpapatayo ng dagdag na 69 police stations at headquarters sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa hanay naman ng defense, sinuguro rin ni Poe na dinagdagan nila ang pondo para sa Armed forces of the Philippines (AFP), National Security Council, National Intelligence Coordinating Agency (NICA) at Philippine Coast Guard (PCG). | ulat ni Nimfa Asuncion