Nanawagan si Senador Sherwin Gatchalian sa law enforcement agencies ng bansa na magpatupad ng iisang approach sa pagsugpo sa operasyon ng mga POGO sa Pilipinas.
Partikular na kinalampag ni Gatchalian ang Philippine National Police (PNP), Presidential Anti Organized Crime Commission (PAOCC), National Bureau of Investigation (NBI), Bureau of Immigration (BI) at iba pang law enforcement agencies, maging ang PAGCOR.
Giniit ni Gatchalian, na ang kawalan ng koordinasyon at pagkakaisa ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno ay nagpapahina lang ng kampanya kontra POGO.
Dahil din aniya dito ay nagkakaroon ng pagkakataon ang mga POGO na makahanap ng butas, at maipagpatuloy ang kanilang mga operasyon.
Ayon sa senador, mas magiging matagumpay ang adbokasiya na tuluyan nang tuldukan ang lahat ng iligal na aktibidad ng mga POGO kung magpapatupad ng isang unified approach ang pamahalaan.
Binigyang diin rin ni Gatchalian, na hindi dapat hayaang magpatuloy ang masasamang gawain ng mga POGO sa ating mga komunidad dahil lamang sa kakulangan ng koordinasyon. | ulat ni Nimfa Asuncion