Sa pagsisimula ng plenary deliberations ng Senado para sa panukalang 2025 National Budget, napuna ni Sen. Risa Hontiveros na ang ilang pondo sa ilalim ng kasalukuyang 2024 budget para sana sa mga mahahalagang imprastraktura gaya ng flood control projects ay napunta sa mga maliliit na proyekto.
Pinunto ni Hontiveros na ang ganitong paglilipat ng pondo mula sa kritikal na imprastraktura ay maaaring magresulta sa kakulangan ng proteksyon laban sa pagbaha sa hinaharap.
Aminado ang senadora na hindi naman na bago ang ganitong pag reallocate ng pondo at hindi lang rin naman ang mga flood control projects ang nagagalaw.
Pero nakakabahala pa rin aniya na ang mga pondong para sa mga bagay na hindi maiiwasan ay binabawasan para pagbigyan ang mga gastusing pwede naman sanang iwasan.
Kaugnay nito, minumungkahi ni Hontiveros na maglagay ng isang special provision sa binubuo nilang 2025 General Appropriations Bill (GAB) na magtitiyak na hindi lalagpas ang aaprubahan nilang panukalang pondo sa orihinal na panukalang pondong isinumite ng executive branch.
Dinagdag rin ng mambabatas na dapat na ring iwasan na malagay sa unprogrammed appropriations ang mga prayoridad na proyekto na tinukoy ng NEDA.
Sinang-ayunan naman ito ni Senate Committee on Finance chairperson Senadora Grace Poe.| ulat ni Nimfa Asuncion