Inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na pamahalaan na higpitan ang pagpapatupad ng force evacuation sa mga lugar na tukoy nang maaapektuhan ng bagyong Marce.
Sa isang memorandum, binigyang-diin ng DILG na kailangang sundin ang mga panuntunan sa ilalim ng Oplan Listo sa mga lugar na may banta ng pagbaha at pagguho ng lupa partikular na sa hilagang Luzon.
Ipinaalala rin ng kagawaran sa mga lokal na pamahalaan ang kapangyarihan nito na magpatupad ng force evacuation sa panahong higit na kinakailangan alinsunod sa mga umiiral na batas.
Dapat na isaalang-alang ng mga local chief executive na prayoridad nila ang kaligtasan ng kanilang nasasakupan lalo na iyong mga nakatatanda, may kapansanan, at mga bata.
Inabisuhan din ng DILG ang mga apektadong residente na huwag nang hintayin ang sapilitang paglilikas at sa halip ay unahin na ang kanilang kaligtasan sa pamamagitan ng pagtungo sa mga itinalagang evacuation center. | ulat ni Jaymark Dagala