Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang House Bill 10926 o panukala para muling bigyan ng 25 taong prangkisa ang Manila Electric Company (Meralco).
Nasa 186 na mambabatas ang bumoto pabor dito habang may pitong tumutol, at apat na abstention.
Sa ilalim ng panukala, inaatasan ang Meralco na tumalima sa pamantayang itinakda ng Energy Regulatory Commission (ERC) at Department of Energy (DOE) pagdating sa operasyon ng electric facility.
Gayundin ay tiyakin na ang ibebenta nitong kuryente ay pinakamababa ang presyo at lilikha ng plataporma na tatanggap ng mga reklamo ng mga kostumer nito.
Nakatakdang mapaso ang kasalukuyang prangkisa ng Meralco sa 2028.
Positibo naman si Albay Representative Joey Salceda, author at sponsor ng panukala na mabilis lang din itong uusad sa Senado. | ulat ni Kathleen Jean Forbes