Napagkalooban ng libreng materyales ang labing-limang pamilya sa Atimonan, Quezon, na benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps, upang magkaroon ng sariling linya ng kuryente mula sa Quezon Electric Cooperative o QUEZELCO 1.
Ayon sa pabatid ng DSWD IV-A, kamakailan ay nagsagawa ng oryentasyon ang QUEZELCO 1, katuwang ang lokal na pamahalaan, para sa mga pamilyang benepisyaryo tungkol sa proyektong ito.
Sa ngayon, naglalagay na ng mga linya ang QUEZELCO 1 mula sa mga poste patungo sa mga kabahayan, at inaasahang makukumpleto ang proyekto bago matapos ang Disyembre ngayong taon.
Ang proyektong ito ay inisyatiba ng 4Ps – Municipal Operations Office ng Atimonan, batay sa resulta ng Social Welfare and Development Indicator o SWDI assessment, na regular na isinasagawa ng DSWD sa mga benepisyaryo ng 4Ps.
Ginagamit ng DSWD ang resulta ng SWDI bilang batayan sa pagbuo ng mga serbisyong magpapabuti sa pamumuhay ng mga pamilyang bahagi ng 4Ps. | ulat ni Mara Grezula | RP1 Lucena