Nilinaw ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na hindi nila itinago ang CCTV footage ng SUV na may protocol plate na ‘7’ na pumasok sa EDSA busway, noong November 3.
Ito ay dahil sa mga alegasyon na itinago umano ng MMDA ang CCTV footages at kinuwestyon kung bakit hindi nila hinahabol ang mga sinasabing VIP na dumadaan sa EDSA Busway.
Ayon kay MMDA Chairperson Atty. Don Artes, agad nilang ipinagkaloob ang nasabing footage sa mismong araw ng insidente sa Department of Transportation-Special Action and Intelligence Committee for Transportation (DOTr-SAICT), na nangangasiwa sa EDSA Busway.
Kinabukasan naman ay ibinigay din nila ang footage sa tanggapan ni Senador Raffy Tulfo.
Iginiit din ng MMDA chair, na wala na silang tauhan sa EDSA busway simula pa noong June 30. Ang pamamahala ng busway ay nasa hawak na ng DOTr-SAICT, Land Transportation Franchising and Regulatory Board, at Philippine Coast Guard.
Ipinaliwanag ni Artes, na inilipat nila ang kanilang mga tauhan upang matutukan ang mga rerouting dahil sa rehabilitasyon ng mga flyover at tulay sa kahabaan ng EDSA.
Tiniyak ng MMDA chairperson, na mananatili silang tapat sa kanilang tungkulin sa publiko. | ulat ni Diane Lear