Isinapubliko ni Secretary Larry Gadon ng Office of the Presidential Adviser on Poverty Alleviation ang iba’t ibang hakbang ng mga ahensya ng gobyerno para labanan ang kahirapan sa bansa.
Ayon kay Sec. Gadon, may kanya-kanyang mandato na ang mga Kagawaran para sugpuin ang kahirapan.
Dahil daw sa mga collective effort ng mga ahensya ng pamahalaan, naibaba sa 18% ang poverty rate ng Pilipinas sa nakalipas lamang na isa’t kalahating taon ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Inaasahan ng Office of the Presidential Adviser on Poverty Alleviation na bababa pa ito ng hanggang 15% ngayong December 2024.
Malaki daw ang naitulong ng pagpasok ng mga bagong investors na nakalikha ng maraming trabaho.
Bukod sa mga bagong dagdag na trabaho, nakatulong din daw sa pagbaba ng Poverty rate ay ang mga cash aid o ayuda na ibinibigay ng pamahalaan sa mga biktima ng kalamidad upang makapag simula.
Kabilang sa mga ahensya na may malaking ambag sa Poverty Alleviation ay ang Department of Education, Department of Social Welfare and Development, Department of Health, Department of Agriculture, Department of Labor and Employment, Technical Education Skills and Development Authority.
Sinabi ni Gadon, target ng Marcos Jr. administration na maibaba sa 9% ang poverty rate ng Pilipinas. | ulat ni Michael Rogas