Tila nabalatan ang mga gusali ng paaralan sa bayan ng Buguey, Cagayan, matapos dumaan ang Bagyong Marce kagabi sa nasabing munisipalidad.
Sa mga kuhang larawan ni Buguey Sangguniang Kabataan Federation President Arn Pagador, makikita kung gaano kalakas ang hanging dala ng bagyo matapos tuklapin ang bubungan ng Buguey North Central School.
Muli ring binayo ang Licerio Antiporda Sr. High School, na dati nang lumasap ng bagsik ni Typhoon Kristine, kung saan ang mga dating nasirang bubong ng paaralan ay tuluyang nilipad ng hangin.
Maging ang himpilan ng Buguey Police Station ay hindi rin nakaligtas matapos ding matuklap ang kanilang bubungan.
Ayon kay Pagador, sa ngayon ay maganda na ang panahon sa kanilang lugar, bagamat hanggang sa mga oras na ito ay wala pa ring supply ng kuryente simula pa kahapon. | Ulat ni Teresa Campos | RP1 Tuguegarao