Sa gitna ng ginagawang recovery ng bansa mula sa pananalasa ng nagdaang bagyong Kristine at Leon, inaalala ngayon ng bansa ang ika-11 taon ng pananalasa ng Super Typhoon Yolanda.
Ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang mga hinaharap na pagsubok ng bansa sa sa kasalukuyan ay nagpapaalala lamang na ang mga aral na una nang natutunan ng bansa, mula sa pinaka-malakas na bagyo na tumama sa kasaysayan ng Pilipinas, ay hindi dapat makalimutan.
Ito ayon sa pangulo, ang pinaka-angkop na paraan upang kilalanin ang mga buhay na nawala dahil sa Yolanda.
“Calamities are teaching moments, and every one that came after Yolanda delivered a payload of lessons that instructed us how to improve our response.” -Pangulong Marcos.
Pagbibigay diin ng pangulo, dahil pinaka-disaster-prone na bansa ang Pilipinas, walang puwang ang pagiging ignorante, pagiging kampante, at pagkalimot sa mga aral na ito.
Dahil dito, kailangan aniyang pa-igtingin ang effort ng bansa sa pagpapagaan sa mga epektong iiwan pa ng pagbabago ng panahon sa hinaharap. “We must empower our communities and strengthen our local government units, who both comprise our first line of defense against calamities.” -Pangulong Marcos.
Kailangan rin aniyang siguruhin ang mabilis na delivery ng mga relief at tulong sa mga mangangailangan.
“And after making sure that the communities brace better against typhoons, that they can build back better after, by making them more resilient than before.” -Pangulong Marcos.
Mula aniya noong tumama ang Yolanda, pinagtibay na ng pamahalaan ang mga kakayahan nito laban sa mga sakuna.
“Since then, we have strengthened institutional bulwarks against calamities, which our countrymen have matched with increasing care and compassion for those affected.” -Pangulong Marcos.
Dahil rin aniya sa bayanihan ng mga Pilipino, kaya’t napabilis ang muling pagbangon ng bansa, at kahit papaano napagaan ang sakit na dinanas ng mga pinaka-naapektuhan ng Yolanda.
“It is also because of this bayanihan of our race that the pain of victims is assuaged and the rebuilding of homes and livelihoods is accelerated.” -Pangulong Marcos.
Ngayong araw, kinikilala rin aniya ng Pilipinas ang mga kabalikat nito sa loob at labas ng bansa na tumulong sa Pilipinas, sa pagkakadapa nito noong nanalasa ang Super Typhoon Yolanda,
“Their response reaffirmed a tenet civilization must uphold when one nation faces an emergency or an existential threat—that no man is an island, indeed.” -Pangulong Marcos.
Pagsisiguro ng pangulo, isasakatuparan ng pamahalaan ang lahat ng mga ipinangakong rehabilitasyon para sa Yolanda victims na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa naku-kompleto.
“All unfulfilled commitments made in the past for Yolanda rehabilitation are responsibilities we fully assume. Though no singular fault of anyone, many of these pledges remain unredeemed, and we shall see to it that what the state owed to impacted people and places will be satisfactorily settled.” -Pangulong Marcos. | ulat ni Racquel Bayan