Paglalagay ng babala sa mga nakapaketeng pagkain, isinusulong

Facebook
Twitter
LinkedIn

Nanawagan ang iba’t ibang Health Advocacy Group sa mga mambabatas na bumalangkas ng panukala na nagsusulong na lagyan ng babala ang mga nakapaketeng pagkain.

Ayon sa Healthy Philippines Alliance, Health Justice at Imagine Law, ito’y upang gisingin ang kamalayan ng publiko hinggil sa panganib na dulot ng mga pagkaing nakapakete gayundin ang mga pagkaing naproseso na.

Sa isang roundtable discussion sa Quezon City, sinabi ni Health Justice Philippines Project Manager Beverly Samson, na makatutulong ito upang mabawasan ang mga Pilipinong nagkakasakit dahil sa pagkonsumo ng processed foods.

Binigyang-diin pa nito, na taglay ng mga nakapakete at processed foods ang mataas na lebel ng asukal, sodium, at saturated fats na nakasasama sa kalusugan.

Ilan sa mga ito ay instant noodles, processed oats, cheese spread, instant coffee, soy milk, at biskwit.

Kalimitan sa mga sakit na nakukuha sa mga unhealthy processed food ay cancer, diabetes, hypertension, stroke, obesity, at iba pa.

Kahalintulad aniya ang konsepto nito sa mga sigarilyo na may nakalakip na babala hinggil sa masamang epekto sa katawan ng mga nabanggit na produkto.

Binigyang-diin naman ni Healty Alliance Philippines Lead Convenor at dating Health Secretary, Dr. Jaime Galvez Tan, na nakababahala na pabata na ng pabata ang nakakakuha ng mga non-communicable disease. | ulat ni Jaymark Dagala

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us