Nakakasa nang buksan sa publiko ang LRT-1 Cavite Extension Phase 1 ngayong buwan ng Nobyembre 2024 matapos itong kumpirmahin ng Light Rail Manila Corporation (LRMC) sa isang press briefing kasama ang Department of Transportation (DOTr) sa Malacañang nitong nagdaang linggo.
Ang proyekto ng LRT-1 Cavite Extension ay bahagi ng Public-Private Partnership na inaasahang magpapabilis ng biyahe mula Quezon City patungong Parañaque nang hindi hihigit sa isang oras. Kapag nag-operate na ang Phase 1, inaasahang tataas ang kapasidad ng LRT-1 sa 80,000 pasahero kada araw.
Ayon kay Enrico R. Benipayo, Pangulo at CEO ng LRMC, ang proyekto ay magdudulot ng malaking benepisyo sa mga mananakay, kabilang ang mas mabilis na biyahe, malinis na hangin, at pag-unlad sa ekonomiya.
Kasama sa mga bagong istasyon sa LRT 1 Extension ay ang Redemptorist – Aseana Station, MIA Road, PITX, Ninoy Aquino Avenue, at Dr. Santos Station.
Inaanyayahan naman ng LRMC ang publiko na abangan ang mga opisyal na anunsyo para sa eksaktong petsa ng pagbubukas ng nasabing extension. | ulat ni EJ Lazaro