Ikakasa sa darating na Nobyembre 11 hanggang 13 sa Shangri-La The Fort, Taguig City, ang pagho-host ng Pilipinas ng Seatrade Cruise Asia 2024 na pangungunahan ng Department of Tourism (DOT).
Ayon kay Tourism Secretary Christina Garcia Frasco, ang kaganapang ito ay magbibigay-daan upang mas mapalakas ang posisyon ng Pilipinas bilang prime cruise destination sa Asya.
Mahigit 350 international delegates— kabilang ang mga cruise line executive, itinerary planner, at tourism authority— ang dadalo upang talakayin ang mga inisyatibang makapagpapaunlad ng cruise tourism sa rehiyon. Bahagi rin nito ang Cruise Visa Waiver ng Pilipinas upang mas mapadali ang pagbisita ng mga dayuhang turista.
Sa kaparehong kaganapan ay itatampok din ang iba’t ibang aktibidad, kabilang ang mga cultural performance at keynote sessions sa pagbubukas ng programa.
Layunin ng Seatrade Cruise Asia 2024 na magbigay ng mahalagang plataporma para sa mga dayalogo at kolaborasyon na magpapatatag ng cruise tourism sa Pilipinas at buong Asya.| ulat ni EJ Lazaro