DA, nag-inspeksyon sa presyuhan ng bigas sa ilang palengke sa QC

Facebook
Twitter
LinkedIn

Nag-ikot ngayon ang ilang opisyal ng Department of Agriculture (DA) para silipin ang presyo ng bigas sa ilang palengke sa Quezon City.

Kasunod ito ng naging pulong ng DA kasama ang local market association kung saan napagkasunduan ang ₱3-₱5 na margin profit sa bentahan ng bigas na magreresulta sa ₱43-₱45 na kada kilo ng regular at well-milled rice.

Kasama sa inikot nina DA Assistant Secretary Arnel De Mesa at Assistant Secretary Genevieve Guevarra ang Murphy Market sa Cubao kung saan may apat na stall ang nagtitinda ng ₱42-₱45 na kada kilo.

Maging sa Mega Q-Mart at Kamuning Market ay marami na ring stall ang nagbebenta ng ₱42-₱45 na kada kilo ng bigas na ang ilan ay imported.

Ayon sa ilang nagtitinda, mabenta at laging inaabangan ng mga mamimili ang murang bigas.

Ayon naman kay Liway Forte, president ng Federation of Quezon City Public Market, walong palengke na sa QC ang nakakayang sumunod sa hanggang ₱45 na kada kilo ng well milled rice.

Wala rin naman aniyang problema sa mga nagtitinda na ibaba ang presyo ng bigas. Hirit lamang nito sa DA na matulungan sila para makakuha rin ng mas mababang supplier.

Tugon naman dito ng DA, may plano na silang direktang iugnay ang market heads sa importers o traders para maging suppliers.

Tiniyak din ng DA na magiging regular ang konsultasyon nila sa mga market head sa paggalaw sa presyo ng bigas kasabay ng pinaigting na monitoring sa mga palengke para maiwasan ang profiteering o mga nananamantala. | ulat ni Merry Ann Bastasa

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us