Handa na ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa pagtugon sa posibleng epekto ng bagyong Nika.
Ito ay matapos na itaas ng pamahalaan sa 10 day alert ang paghahanda para sa pananalasa ng bagyo.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, pinaalalahanan na ng ahensya ang mahigit 2,000 barangay sa Isabela o Hilagang Aurora na magsagawa agad ng preemptive evacuations, lalo na sa mga lugar na madalas bahain at posibleng magkaroon ng landslide.
Nakaposisyon na rin aniya ang mga food pack at iba pang kagamitan ng Department of Social Welfare and Development, at inabisuhan na ang limang paliparan sa rehiyon na linisin ang paligid.
Pinaghahandaan na rin ng DILG ang dalawa pang bagyo na inaasahang tatama sa Pilipinas at tatawaging Ofel at Pepito.
Nagbabala rin ang kalihim na mataas ang posibilidad na makaranas ng landslide ang Ilocos Region, Cagayan Valley, at Cordillera Administrative Region dahil sa patuloy na pagbuhos ng ulan dulot ng bagyo. | ulat ni Rey Ferrer