Ilalaban ni House Appropriation Vice-Chair at Ako Bicol Party-list Representative Jil Bongalon ang pagpapanatili ng pondo para sa Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) sa 2025 national budget.
Ito ay sa gitna ng mga panukala sa Senado na alisin ang pondo ng programa sa panukalang pondo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa susunod na taon.
Sa halip itinutulak na ilipat ito sa iba pang programa ng DSWD gaya ng Sustainable Livelihood Program at Quick Response Fund.
Diin ng mambabatas na ang AKAP ay para sa mga kumikita ng mas mababa sa ₱21,000 kada buwan—mga manggagawang hikahos pa rin kahit may trabaho sila.
“AKAP has been a lifeline for millions of Filipinos in its first year, providing essential support to wage earners classified as ‘near poor. This is a crucial aid for those who are most vulnerable to economic shocks. They deserve our support,” sabi niya.
Tinukoy pa ni Bongalon ang pahayag ni Senator Imee Marcos, Senate Finance Committee vice chair, na wala naman sa proposal ng pamahalaan ang ₱39 billion na pondo para sa AKAP.
Tugon ni Bongalon, itigil na ang pagtangal sa social services katulad ng ginawang pagbawas o pagtapyas sa 4Ps.
Aniya ang AKAP ang isa sa mga agarang pamamaraan para maiahon sa kahirapan at direktang matulungan ang naghihirap nating kababayan.
“Ang masama e yung programa para sa mahihirap binabawasan pa ng ayuda. Katulad ng pagtapyas sa pondo ng 4Ps sa mga nakaraang taon. Dahil hindi nabigyan lahat ng beneficiaries ng 4Ps babantayan natin itong mabuti sa darating na Bicam,” diin pa ni Bongalon.
Oras aniya na isalang ang panukalang pondo sa Bicam, ay buo ang paninindigan Kamara na ipaglaban ang milyun-milyong pamilya para sa tuloy-tuloy na tulong ng AKAP. | ulat ni Kathleen Jean Forbes