Tinatayang nasa 812 pamilya ang nananatili ngayon sa 75 evacuation centers sa Cordillera Administrative Region (CAR) ang inaalalayan ng pamahalaan, dahil sa pananalasa ng Bagyong Nika.
“Dito po sa Cordillera Region, dalawa na lang po iyong may tropical cyclone warning signal which are the provinces of Abra and Apayao. So, Signal Number 1 na lang po sa kanila pero lahat po ng probinsiya ay nakapanatiling red alert status pa rin.” —Mogol
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni Office of Civil Defense (OCD) Regional Director Albert Mogol, na nasa 547 pamilya o higit 1,800 na mga indibidwal ang nakikituloy mula sa kanilang mga kaanak.
Sa kabuuan, nasa 4,024 na pamilya ang apektado ng bagyo o katumbas ng higit 10,800 indibwal.
Nasa 47 bahay naman ang naitalang napinsala mula sa Kalinga at Apayao kung saan 44 dito ang partially damaged, habang tatlo naman ang totally damaged.
Wala naman naitalang nasawi o nasugatan sa rehiyon dahil sa bagyo.
“As of this time, wala nang reported na flooding incidents dito sa Cordillera Region. Kahapon medyo tumaas iyong tubig natin sa Chico River at dito sa bandang Buguias. Iyong sa Buguias, ito iyong bumababa sa probinsiya ng Pangasinan kaya inaabisuhan natin iyong mga karatig nating rehiyon. But so far, iyong report nila kanina wala din naman pong adverse effect ito na nag-cause ng flooding sa mga mabababang lugar sa Pangasinan.” —Mogol
Sa kasalukuyan, on going na aniya ang road clearing operations, upang masiguro na hindi mapuputol ang pagpapadala ng supply at tulong sa lugar.
Sa usapin naman ng power supply, bagamat wala pang ring suplay ng kuryente sa Apayao, pinagtutulungan na aniyang maibalik ito sa lalong madaling pahanon.
“Ang epekto naman po sa ating power supply, hanggang ngayon po ay wala pa pong kuryente sa probinsiya ng Apayao but they are trying to restore it – pagtutulungan po ng ating NPC and iyong ating supplier po ng ating kuryente.” —Mogol. | ulat ni Racquel Bayan