Quad Comm, kinansela ang pulong bukas para tapusin ang vetting ng mga testigo

Facebook
Twitter
LinkedIn

Binigyang-linaw ngayon ng mga lider ng Quad Committee kung bakit kinansela ang dapat sana’y ika-11 pagdinig nila bukas November 13.

Kasunod ito ng impormasyon mula kay dating Presidential Legal Counsel Salvador Panelo at mga post sa social media na dadalo umano si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa imbestigasyon ng Quad Comm bukas.

Ayon kay Quad Comm lead chair Robert Ace Barbers, bandang 6:30 ng gabi nang atasan ang secretariat na magpadala ng notices of cancellation sa mga miyembro, resource persons at ahensya ng gobyerno.

Paliwanag niya, tinatapos nila sa ngayon ang vetting ng mga sasalang na testigo kaya’t ipinagpaliban na muna ang dapat sana’y pagdinig bukas.

Napakarami kasi aniya ang mga lumalapit, nagsusumite ng affidavit at gustong magsalita.

“If you recall, lagi namin sinasabi kapag may mga witnesses, we want them to execute affidavits. Number two, even if they have executed their affidavits, we will have to vet them. Meron pong legal team, ina-assist ang Quadcom to interview yung aming mga… Because marami po ang gustong magsalita. Marami po ang gustong magbigay ng testimonya,” ani Barbers.

Sinagot din nito ang mga kumakalat na komento sa social media na naduwag lang ang Quad Comm.

Sabi niya na bago pa man magkansela ang komite ay wala rin naman silang natanggap na kumpirmasyon mula sa dating pangulo na kaniyang ipinapadaan sa kaniyang abogado na si Atty. Martin Delgra.

“All these notices via email, via digital and Viber notices, pinadala na po yan kahapon pa lang. At wala po kaming confirmation pa kung sino yung a-attend. Wala naman nagsabi sa amin na may a-attend sa Wednesday because as early as yesterday, we have already sent out cancellation notices. Kaya…nagulat kami ngayon na may gustong um-attend,” giit ni Barbers.

Sabi niya, maghihintay sila ng pormal na komunikasyon o liham ng pagdalo ng dating pangulo para sa susunod na hearing na itinakda sa November 21.

“Wala kasi namang formal confirmation na pupunta ang dating pangulo. Sabi ko nga kanina ito ay galing lamang doon sa mga vloggers na walang ginagawa kundi tirahin si Dan Fernandez. So again, yun pong next hearing namin November 21,” dagdag ni Barbers.| ulat ni Kathleen Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us