Umapela si Senador Joel Villanueva sa Department of Trade and Industry (DTI) na pagbutihin ang pagtugis sa mga nagbebenta ng mga hindi rehistradong vape products.
Sa naging plenary deliberations ng senado sa panukalang 2025 budget ng DTI, ipinunto ni Villanueva malaki ang nawawalang buwis sa pamahalaan mula sa bentahan ng mga unregistered vape at maging sa smuggling ng ganitong mga produkto.
Tugon naman ng DTI, sa pamamagitan ng sponsor ng kanilang proposed budget na si Senador Mark Villar, sa ngayon ay wala pa silang bilang ng mga nagbebenta ng hindi rehistradong vape at nicotine products.
Sa kasalukuyan, marami pa aniya ang nagpaparehistro at kumukuha ng certification para sa kanilang mga produkto.
Base sa datos ng ahensya, nasa 1,275 na ang vape shops sabuong bansa at 20 vape retailers ang nakasuhan dahil sa iba’t ibang mga paglabag.
Kabilang na dito ang kawalan ng tax stamp markings, kakulangang ng verification measures sa edad ng mga bumibili ng vape at kawalan ng product standard license. | ulat ni Nimfa Asuncion