Hinikayat ni Senadora Imee Marcos ang mga kapwa mambabatas mula sa Senado at Kamara na bigyan ang Department of Foreign Affairs (DFA) ng kinakailangan nitong pondo para makatugon sa inaasahang mass deportation ng mga undocumented migrants sa Estados Unidos.
Ayon kay Marcos, dapat maging handa ang DFA sa pagbibigay ng nararapat at maagap na pagtugon sa deportation ng higit 200,000 na mga undocumented Pinoy sa US.
Sinabi ni Senadora Imee na kailangang ng DFA ng hindi bababa sa P12.4 billion para maging ganap na handa at posibleng hanggang P27.286 billion para matugunan ang posibleng pagtaas ng gastos.
Gayunpaman, ang kasalukuyang alokasyon aniya ay nasa 5% to 10% lang ng requirement na ito.
Ipinunto ng senadora na sa ilalim ng 2025 national expenditure program (NEP) at 2025 general appropriations bill (GAB), nasa P1.259 billion lang ang alokasyon para sa Protection of the Rights and Promotion of Welfare of Overseas Filipinos ng DFA – dito kinukuha ang pondo para sa repatriation.
Base sa komputasyon ng mambabatas, umaabot ng P62,000 hanggang higit 136,000 pesos kada indibidwal ang average repartriation assistance cost na naitatala ng ahensya.
Mula dito, sinabi ni Marcos na na makikitang hindi sapat ang present funding level ng DFA.
Kaya naman marapat aniyang itodo na ng ating pamahalaan ang pinansiyal na solusyon sa problemang ito. | ulat ni Nimfa Asuncion