Nagpakita ng kabayanihan ang mga tauhan ng Rapu-Rapu Municipal Police Station (MPS) nang sila’y tumulong sa nanganak na ginang habang nasa biyahe sakay ng bangka patungong Rapu-Rapu District Hospital noong Nobyembre 9, 2024.
Nanguna sa pagtulong si PCpl Deanna A. Quierra, isang pulis at lisensyadong Nars, na nakapagligtas ng buhay ng bagong silang na sanggol.
Sa ulat ng Rapu-Rapu MPS, alas-4:30 ng hapon nang makatanggap ang kanilang himpilan ng impormasyon kaugnay sa manganganak na nanay na sakay ng pampasaherong bangka malapit sa pantalan. Patungo sana ng bayan ang nanay, ngunit sa sinasakyang bangka na ito, inabutan na siya ng panganganak.
Kaagad na rumesponde ang mga tauhan ng nasabing himpilan kasama ang mga kasapi ng Bureau of Fire Protection. Maingat na sinuri ni PCpl Quierra ang kondisyon ng sanggol at napansing hindi ito humihinga at may senyales ng respiratory distress.
Lakas ng loob na ni-revive ng nasabing babaeng pulis ang sanggol sa pamamagitan ng cardiopulmonary resuscitation at iba pang neonatal resuscitation techniques. Ginamit ni Quierra ang mga teknik sa emergency gaya ng pagpapaginhawa ng daanan ng hangin, gentle stimulation, at CPR, hanggang sa magsimulang huminga nang mag-isa ang sanggol.
Matapos ma-stabilize ang bata, maingat na pinutol ni PCpl Quierra ang umbilical cord at kaagad na dinala ang mag-ina sa Rapu-Rapu District Hospital para sa pagpapagamot.
Patunay ang kabayanihang ito ng dedikasyon ng mga tagapaglingkod sa bayan ng Rapu-Rapu, na laging handang tumugon sa oras ng pangangailangan. | ulat ni Emmanuel Bongcodin | RP1 Albay