Naghahanda na ang Philippine National Police (PNP) para sa nalalapit na halalan sa susunod na taon.
Kaugnay nito, nagsagawa na ng nationwide verification at physical accounting ang PNP Civil Security Group (CSG) sa mga baril.
Sa katunayan, nagpalabas na rin ng abiso ang CSG sa mga licensed holder at firearms owner hinggil sa gagawin nilang pagbabahay-bahay salig sa hawak nilang rehistro.
Pero ayon kay PNP-CSG Director, Police Maj. Gen. Leo Francisco, maaari namang magtungo personal ang mga gun owner sa kanilang mga regional office para doon magpa-account.
Ayon naman kay PNP Public Information Office Chief, Police Brig. Gen. Jean Fajardo, layon nito na tiyakin ang kaligtasan ng publiko lalo’t bukod sa national at local elections, isasagawa rin ang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Binigyang-diin naman ng PNP na ang hakbang ay alinsunod sa itinatadhana ng Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. | ulat ni Jaymark Dagala