Aabot sa P17.7-M na financial assistance ang nakatakdang ibigay ng lokal na pamahalaan ng Davao sa mga provincial at local government unit (LGU) na apektado ng bagyong Kristene.
Inaprubahan ng mga miyembro ng 20th City Council ng Davao sa regular session ang nasabing tulong pinansyal matapos magdeklara ng state of calamity ang 36 na lugar na kinabibilangan ng pitong probinsya, sampung lungsod, at labing siyam na municipalidad.
Kabilang sa nakatakdang bigyan ng P1-M ang mga probinsya ng Batangas, Albay, Camarines Sur, Camarines Norte, Eastern Samar, Catanduanes, at Quezon.
Kasama rin ang mga lungsod ng Batangas, Calaca, Sto. Tomas, at Tanauan sa probinsya ng Batangas, Naga, Calbayog sa Samar, Calamba, San Pedro, at Biñan sa Laguna, at Dagupan sa Pangasinan na makakatanggap ng tig-P500,000 bawat lungsod.
At tig-P300,000 ang mga munisipalidad ng Laurel, San Pascual, Lian, Lemery, Agoncillo, Ibaan, at Cuenca sa probinsya ng Batangas, Mercedes sa Camarines Norte, Los Baños at Sta. Cruz sa Laguna, Bulan at Irosin sa Sorsogon, San Fernando sa Masbate, Virac sa Catanduanes, Sariaya, Mulanay, Tagkawayan, at General Luna sa Quezon, at Magpet sa probinsya ng Cotabato.
Kung maalala, nakagawian na ng lokal na pamahalaan sa Davao ang pagbibigay ng tulong, lalo na sa mga lugar na apektado ng kalamidad. | ulat ni Sheila Lisondra | RP1 Davao