Matagumpay ang pagbubukas ng apat na araw na Sustainable Livelihood Program (SLP) Congress sa bayan ng Bayambang, Pangasinan, na pinangunahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Regional Field Office 1.
Nagsilbing panauhing pandangal sa aktibidad si DSWD Assistant Secretary for Specialized Programs Under Operations Group Florentino Loyola Jr.
Sa kanyang mensahe, ang tema ngayong taon ng programang “Kabuhayan, Kasaysayan, at Kagandahan” ay sumasalamin sa pinakamahalagang layunin ng SLP na magbigay ng mga kasanayan, kaalaman, at tulong na kinakailangan sa pagpapatayo at pagpapanatili ng kabuhayan ng mga benepisyaryo.
Kabilang sa isinagawang aktibidad ang Ceremonial Lighting ng Sibol Arch na pinangunahan ni DSWD Region 1 Director Marie Angela Gopalan, ang Awarding ng Seed Capital Fund sa mga benepisyaryo, at ang Magana at Likhang Maraya Fashion Show kung saan inirampa ng mga nanalo at naging kandidata ng Bb. Bayambang 2024 ang mga gawang produkto ng 45 merchant exhibitors mula sa Ilocos Region.
Ang SLP Congress ay taunang isinasagawa sa Rehiyon Uno na layong ipamalas ang iba’t ibang produkto ng mga SLP participants na sumasalamin sa tagumpay ng programa upang pagtibayin at palakasin ang kapasidad ng mga benepisyaryo nito sa pagpapalago ng kabuhayan.
Ngayong araw, tatlong aktibidad ang idaraos kaugnay sa programa, kabilang ang Dunong Forum: SLP Champions, Dunong Forum: Usapang Usbong, at SLP Online Live Selling ng kanilang mga produkto.
Sa nalalabi pang dalawang araw ng programa, isasagawa naman ang pagbibigay ng Awards, Investment Forum, at iba pa. | ulat ni Sarah Cayabyab | RP1 Dagupan