Naghahanda na ang Department of Migrant Workers (DMW) para sa posibleng mass deportation ng mga Pilipino mula sa Estados Unidos kasunod ng mga pagbabago sa polisiya sa ilalim ng pamumuno ni President-elect Donald Trump.
Ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, nasa 370,000 na undocumented na mga Pilipino ang maaaring maapektuhan ng iminumungkahing U.S. Mass Deportation Policy, na naglalayong i-deport ang isang milyong undocumented immigrants kada taon.
Sa pakikipagtulungan sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Department of Foreign Affairs (DFA), naghahanda na ang DMW ng mga suporta, kabilang ang pinansiyal, medikal, at legal na tulong sa pamamagitan ng AKSYON at Emergency Repatriation Fund.
Magbibigay din ang DMW ng financial aid at reintegration support sa mga made-deport, kasama ang tulong mula sa iba’t ibang ahensya ng ng pamahalaan.
Bukod dito, tinitingnan din ng DMW ang mga oportunidad sa ibang bansa tulad ng Croatia, Slovenia, Germany, Hungary, at Japan para sa OFW returnees.
Tiniyak ng DMW, na patuloy silang makikipag-ugnayan sa DFA at US authorities upang mabantayan ang sitwasyon at siniguro na nakahanda itong magbigay ng tulong sa mga OFW. | ulat ni Diane Lear