Balak ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na maglagay ng advanced security features sa mga national certificate na binibigay nila sa kanilang mga graduate.
Sa plenary deliberations ng panukalang 2025 budget ng TESDA, binahagi ng sponsor ng kanilang budget na si Senador Joel Villanueva na layon nitong malabanan ang paglaganap ng mga pekeng TESDA National certificates.
Kasama sa security features na idadagdag ng ahensya ang pagkakaroon ng two-factor authentication, data encryption at pagpapabuti sa certificate management portal ng ahensya.
Ayon kay Villanueva, nasa P8.5 million ang kakailanganing pondo para dito.
Nakapaloob na aniya ito sa panukalang 2025 budget mula sa ehekutibo (National Expenditure Program) at pinanatili sa Senate version ng budget bill.| ulat ni Nimfa Asuncion