Inamin ng Bureau of Immigration na alam nilang papalabas ng Pilipinas si dating PCSO General Manager Royina Garma pero hindi nila ito napigilan dahil walang Hold Departure Order (HDO) o Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) laban dito.
Sa naging plenary deliberation para sa panukalang pondo ng Department of Justice (DOJ), kung saan attached agency ang BI, ibinahagi ng sponsor ng kanilang budget na si Senador Grace Poe na nagkaroon ng secondary inspection kay Garma nang dumaan ito sa ating Immigration.
Matapos ang beripikasyon ay napag-alamang walang lookout bulletin o anumang order para maditine si Garma kaya hindi napigilan ng mga Immigration officer ang paglabas nito ng Pilipinas.
Bineripika rin aniya ng BI sa Kamara kung naalis na ang Contempt Order nila laban kay Garma.
Matatandaang napaulat na nakaalis ng Pilipinas si Garma noong November 7 papuntang U.S.
Pero inaresto ito ng mga awtoridad sa California dahil sa cancelled visa.
Ibinahagi naman ni Poe na “for deportation” na ngayon si Garma mula sa U.S. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion