Hindi pa makapagbibigay ng impormasyon si Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla kung kailan maibabalik ng bansa si dating PCSO General Manager Royima Garma.
Sa isang ambush interview, sinabi ni Remulla na marami pang mga aayusing dokumento sa Estados Unidos bago maipa-deport sa Pilipinas ang retiradong colonel.
Si Garma ay inaresto sa Amerika kasama ang kanyang anak matapos kanselahin ang kanyang US visa.
Unang iniulat ng DOJ na dapat ay kahapon ng umaga ibinalik ang dating PCSO General Manager pero hindi ito natuloy.
Tiniyak ni Remulla sa House Quad Committee at sa publiko na agad nila itong ipapaalam sakaling handa nang ibalik sa Pilipinas si Garma.
Si Garma ang unang nagsiwalat sa Kongreso sa umanoy pabuya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa mga pulis na makakapatay ng adik. | ulat ni Mike Rogas