Nakahanda na ang lahat ng kagamitan ng Philippine Coast Guard (PCG) District Bicol upang magbigay ng tulong sa mga maaapektuhan ng bagyong Pepito sa Bicol Region.
Ayon kay ENS Alyzza Novie D. Bermal, tagapagsalita ng Coast Guard District Bicol, nasa heightened alert ngayon ang lahat ng substation sa buong rehiyon. Ibig sabihin, kanselado ang lahat ng leave at day off ng mga kawani upang matutukan ang paglilikas ng mga maaapektuhang residente.
Tiniyak rin ng PCG Bicol ang lahat ng kinakailangang kagamitan na gagamitin ng 82 Deployable Response Group (DRG) upang tumulong sa mga lokal na pamahalaan sa posibleng pagsasagawa ng evacuation at rescue operations.
Kabilang dito ang dalawang high-speed response boat, isang metal shark boat, 24 na aluminum boat, limang rubber boat, tatlong trucks, at walong pick-up na magagamit sa pagsasagawa ng operasyon.
Nakaalerto na rin ang lahat ng tauhan ng PCG Bicol na malapit sa mga pantalan upang rumesponde sa anumang insidente at banta ng papalapit na bagyo. | ulat ni Garry Carl Carillo | RP1 Albay