Nagpahayag ng pasasalamat si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian sa Department of Budget and Management (DBM) sa patuloy na suporta sa relief operations nito sa mga biktima ng sunod-sunod na kalamidad.
Partikular dito ang mabilis na paglalaan ng kinakailangang pondo na ginagamit sa produksyon ng family food packs (FFPs) at non-food items (NFIs), gayundin sa transportasyon at mobilisasyon ng relief goods sa mga LGUs mula sa production hubs.
Ayon sa DSWD, malaking tulong ang suporta ng DBM para mabilis na mapunan ang mga stock sa mga regional warehouses at masiguro ang mabilis na disaster response ng DSWD.
Sa pinakahuling tala ng DSWD, aabot na sa higit isang bilyon ang naipaabot na tulong sa mga apektado ng bagyong Kristine at Leon; ₱40-million naman sa mga biktima ng bagyong Marce habang ₱7.7-million na rin ang nailaang humanitarian assistance sa mga apektado ng bagyong Nika. | ulat ni Merry Ann Bastasa