Pasado na sa ikalawang pagbasa sa Kamara ang House Bill 10924 o panukala na gawing libre ang freight services sa paghahatid ng relief goods sa mga lugar na tinamaan ng kalamidas.
Ayon kay San Jose del Monte City Rep. Rida Robes, dahil sa epekto ng climate change ay mas naging lantad ngayon ang bansa sa mga kalamidad.
Kaya naman mahalaga ang kagyat na pagpapatibay sa batas upang nagkaroon ng sistematiko at mabilis na pagpapaabot ng tulongsa mga nasalanta.
Sa ilalim ng panukala, aatasan ang Office of the Civil Defense (OCD), National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), at Department of Transportation (DOTr), katuwang ang Philippine Postal Corporation (PPC) at lahat ng freight companies, common carriers, private carriers, freight forwarders at iba pang logistic company na ilibre ang lahat ng rehistradong relief organizations sa pagbiyahe ng mga emergency relief goods at donasyon sa mga lugar na nasa ilalim ng state of calamity.
Hindi na rin sila dapat singilin ng arrastre services, pilotage, at iba pang port charges.
Kapalit naman nito ang tax incentives sa mga freight company na tatalima. | ulat ni Kathleen Forbes