Welcome para sa Philippine National Police (PNP) ang balitang magbibigay ng 1 milyong piso si dating Pangulong Rodrigo Duterte para sa mga pulis na naapektuhan ng kampanya kontra iligal na droga.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni PNP Spokesperson Chief Police Brigadier General Jean Fajardo na malugod nilang tatanggapin ang tulong na ito.
Ayon kay Fajardo, may direktiba si PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil na bigyan ng legal assistance ang mga pulis na nakasuhan noong nakaraang administrasyon.
Ngunit dahil limitado ang pondo ng PNP, nakipagkasundo sila sa isang financial institution na nangakong magbibigay ng tulong pinansyal at legal services sa mga pulis.
Mula January 2017 hanggang December 2022, umabot na sa 1,214 na kaso ang nahawakan at 4,033 na pulis ang natulungan sa ilalim ng kasunduang ito.
Matatandaang inanunsyo ni PNP Chief Marbil na 1,286 na pulis ang naapektuhan ng kampanya kontra droga noong panahon ng administrasyong Duterte. | ulat ni Diane Lear