Mga senador, hinikayat ang PAGASA na gawing mas simple at nauunawaan ang kanilang weather advisories

Facebook
Twitter
LinkedIn

Hinikayat ng mga senador ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na gawing mas nauunawaan ng publiko ang mga advisory at weather forecasts na kanilang inilalabas.

Sa naging plenary deliberation ng panukalang 2025 budget ng Department of Science and Technology (DOST), ipinunto ni Senate Majority Leader Francis Tolentino ang sentimyento ng ilan nating kababayan, na dapat mas simplehan ng PAGASA ang mga terminong ginagamit nila sa paglalabas ng weather forecasts.

Iminungkahi pa nga ni Tolentino, na maglabas ang weather bureau ng forecasts sa wikang Filipino at pwede ring sa iba’t ibang diyalekto sa bansa gaya ng Bisaya, Ilokano, Kapampangan, Bikolano at iba pa.

Sinabi naman ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na ang kasalukuyan kasing rainfall at signal warning mula sa PAGASA ay nakakalito.

Ipinahayag naman ng DOST sa pamamagitan ng sponsor ng kanilang budget na si Senador Juan Miguel Zubiri na bubuo ang PAGASA ng mas simpleng methodology na madaling mauunawaan ng publiko.

Binanggit rin ni Zubiri ang kakulangan ng mga doppler radar sa bansa na nakakaapekto sa paglalabas ng tamang impormasyon ng weather bureau pagdating sa bubuhos na ulan.

Sa kasalukuyan aniya, 11 lang sa 19 doppler radar ng PAGASA ang gumagana.

Nagkakahalaga pa naman ng nasa P250 million ang bawat isang doppler radar.

Dahil dito, humihiling ang senador na mabigyan ng sapat na pondo ang PAGASA para maisaayos at mapaganda pa ang kanilang mga kagamitan. | ulat ni Nimfa Asuncion

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us