Nag-commit ang US-ASEAN Business Council (USABC) na magdadala sila ng maraming pamumuhunan sa Pilipinas dahil sa mabilis na paglago ng ekonomiya, magandang demographics, at mga polisiya na pabor sa pagnenegosyo.
Ito ang isa sa mga tinalakay ni Department of Finance (DOF) Secretary Ralph Recto sa kanyang pulong sa mga senior officials ng USABC.
Ang USABC ay pangunahing organisasyon para sa mga kumpanya ng Amerika na nag-o-operate sa ASEAN Region na may mahigit na 170 miyembro, kumikita ng halos $7 trillion, at may empleyado ng mahigit sa 14.5 million katao.
Nagpasalamat din ang organisasyon sa DOF sa patuloy na pakikipagtulungan nito sa private sector.
Muli rin nilang pinagtibay ang kanilang commitment na tulungan ang pamahalaan sa digital transformation projects nito.
Samantala, hinikayat naman ng kalihim ang USABC na tuklasin pa ang mga oportunidad sa mga pangunihing strategic sectors sa bansa gaya ng data centers, defense, national grid, at renewable energy.
Tinalakay din ng DOF chief sa international organization ang mahahalagang aspeto ng bagong batas – ang CREATE MORE Act at ang Value Added Tax on Digital Services. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes