Nadagdagan pa ang mga na-stranded sa mga pantalan sa rehiyong Bicol dulot ng bagyong #PepitoPH. Sa pinakahuling ulat ng Office of Civil Defense (OCD-5) Bicol, nasa 992 na ang bilang ng mga pasahero na nasa iba’t ibang pantalan sa rehiyon.
Pinakamarami ang naistranded sa Matnog Port na nasa 805, nasa 92 naman sa Pilar Port, 78 sa Castilla Port, at 17 sa Virac Port.
Nasa 320 naman na mga rolling cargoes ang naantala din ang biyahe dulot ng paparating na sama ng panahon.
Sa pinakahuling ulat ng PAGASA kaninang alas 11:00 ng umaga, nasa 630 km silangan ng Guiuan, Eastern Samar ang kasalukuyang lokasyon ng bagyo. Taglay nito ang lakas na 130 km/h malapit sa gitna, at pagbugsong aabot sa 160 km/h. Kumikilos ang bagyo pakanluran sa bilis na 30 km/h.
Sa ngayon, naka-bandera na ang Signal Number 1 sa buong rehiyon ng Bicol. | ulat ni Paul Hapin | RP1 Albay