Nagsagawa ng isang Emergency Press Conference ang Lungsod ng Calbayog, Samar ngayong hapon, Nobyembre 15, 2024, upang magbigay ng mga update ukol sa mga paghahanda ng lokal na pamahalaan para sa binabantayan na bagyong Pepito, na papalapit na sa Silangang Kabisayaan.
Dumalo sa press conference sina Alkalde Raymund Uy at CDRRMO Officer Dr. Sandro Daguman.
Matapos ang punong balitaan, dumiretso na sila kasama ang Response Cluster Teams sa coastal areas, flood-prone, at landslide-prone na lugar sa lungsod upang mag-monitor ng sitwasyon kasunod ng Storm Surge Warning #1 na inilabas ng DOST-PAGASA.
Mayroon na rin ang mga team ng listahan ng mga lugar na madalas tamaan ng kalamidad at ito ang kanilang mga prayoridad na bibisitahin at susubaybayan.
Bukod sa pag-monitor ng taas ng tubig, binabantayan din ang lakas ng hangin na dala ng bagyong Pepito.
Kasalukuyan nang nagsasagawa ng bandilyo sa bawat barangay kung saan pinaalalahanan ang mga residente na agad na mag-evacuate kung kinakailangan, at huwag nang mag-antay na lumala pa ang panahon kung saan delikado na ang paglabas ng bahay.
Kung matatandaan, ang Lungsod ng Calbayog ay kasalukuyang nasa ilalim ng State of Calamity dahil sa pinsalang dulot ng nakaraang bagyong Kristine noong Oktubre 2024, na nagresulta sa matinding pagbaha at pagguho ng lupa sa mga barangay.
Patuloy naman na binabantayan ng mga awtoridad ang sitwasyon, at hinihikayat ang mga residente na maging alerto at sundin ang mga evacuation order kapag ito ay ipinalabas. | via Charmaine Perito, Radyo Pilipinas Calbayog