Pormal nang binuksan ngayong araw, Nobyembre 16, ang Phase 1 ng LRT-1 Cavite Extension Project.
Ang proyektong ay sinasabing isang mahalagang hakbang ng pamahalaan katuwang ang pribadong sektor para sa mas mabilis, mas maayos, at mas abot-kayang transportasyon sa pagitan ng Metro Manila at Cavite.
Ang Phase 1 ng extension ay may kabuuang haba na 6 kilometro at may limang bagong istasyon: Redemptorist-ASEANA Station, MIA Road Station, Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) Station, Ninoy Aquino Avenue Station, and Dr. Santos Station.
Sa tulong ng mga makabagong pasilidad at mas modernong tren, tinatayang nasa 80,000 na pasahero ang mas mapagsisilbihan nito araw-araw karagdagan sa 323,000 na daily ridership ng LRT 1.
Kaninang eksakto 5:00 ng umaga ay dumating at nagpapasok ang mga kawani ng LRT-1 at isa sa mga nakausap ng Radyo Pilipinas ay ang unang pasahero na si Blix Quirante, ayon sa kanya makatutulong sa kanya ang mabilis at murang pamasahe sa pang-araw-araw bilang commuter.
Malamig ang aircon ng mga bagon, may bagong voice over, maliwanag, gumagana ang mga escalator at elevator, ganito ang dadatnan ng mga pasahero sa mga bagong istasyon ng LRT-1.
Ang pagbubukas ng proyektong ito ay hindi lamang magpapabilis ng biyahe, kundi magpapaluwag din ng daloy ng trapiko sa iba’t ibang pangunahing kalsada sa Metro Manila.
Kahapon, sa inagurasyon din nitong LRT 1 Extension Project Phase 1 ay personal na inanyayahan din ni Pangulong Marcos ang mga commuter na subukan ang dagdag na mga istasyon na ito ng tren.
Tiyak din na makakamura sa pamasahe ang mga pasahero dahil mula FPJ Station hanggang Dr. Santos ay P45 lamang ang pamasahe at kung naka-beep card naman ay nasa P43 lang.
Hanggang 9:30pm naman ang huling biyahe ng tren Northbound mula Dr. Santos ngayong araw habang 9:45pm pa-Sountbound mula FPJ Station.| ulat ni EJ Lazaro