Nakaantabay na ang Coast Guard District Central Visayas lalo na sa mga lugar sa Central Visayas na apektado ng bagyong Pepito.
Tiniyak ng pamunuan ng PCG sa Central Visayas na handa ang kanilang mga tropa sa pamamagitan ng pag-mobilize ng kanilang Deployable Response Group o DRG.
Ang DRG ng PCG District Central Visayas ay nakatutok ngayon sa pinakahilagang bahagi ng Cebu partikular na sa mga coastal towns ng Medellin, Daanbantayan at Bantayan Island na kasalukuyang nasa ilalim ng Tropical Cyclone Wind Signal Number 1.
Sa pinakahuling situation report ng PCG District Central ngayong araw, Nobyembre 16, nasa 57 ang naitalang stranded passengers, 15 stranded vessels at 32 stranded rolling cargoes.
Kabilang sa mga pantalan na may suspendidong biyahe ng barko ay ang Santa Fe Port, Hagnaya Port, Kawit Port at New Maya Port. Una nito, nagpalabas na ng abiso ang mga PCG Station Northern Cebu at PCG Station Central Cebu kaugnay sa pansamantalang pagsuspendi ng biyahe ng lahat ng uri ng mga sasakyang pandagat dahil sa banta na dala ng bagyo. | ulat ni Angelie Tajapal | RP1 Cebu