Nakahinga na ng maluwag ang mga taga Region 8 dahil unti-unti nang bumubuti ang lagay ng panahon at halos wala nang mga pag-ulan na nararanasan dito sa Eastern Visayas dahil sa patuloy na paglayo ng Super Typhoon #PepitoPH mula sa Samar provinces na muntikan nang mahagip.
Sa katunayan, tinanggal na ng PAGASA ang Storm Signal No.3 sa rehiyon batay sa pinakabagong tropical cyclone bulletin. Ngunit nakataas pa rin ang Signal No. 2 sa Northern Samar, hilagang bahagi ng Samar, at hilagang parte ng Eastern Samar. Nananatiling nasa Signal no.1 naman ang nalalabing bahagi ng Eastern Samar, Samar, Biliran, at Leyte.
Bagamat karamihan ng mga evacuees ay nananatili pa rin sa mga evacuation sites, sa bayan ng Arteche, Eastern Samar, pinayagan na ni Mayor Roland Evardone ang pag-uwi ng mga evacuees matapos ang isinagawang assesment at rekomendasyon ng MDRRO. Pero pinaalalahanan pa rin sila na mag-ingat at manatiling magmatyag sa kondisyon ng panahon.
Sa pangkalahatan, hindi naging gaano ang epekto ng bagyo sa Eastern Samar, tuloy-tuloy ang serbisyo ng elektrisidad at nanatiling passable ang mga pangunang daan sa palibot ng probinsya.| ulat ni Ma. Daisy Amor Lalosa-Belizar| RP1 Borongan