Tuluyan nang naapula ng Bureau of Fire Protection (BFP) Marikina ang sunog na sumiklab sa bodega ng scrap materials sa panulukan ng mga kalye Exequiel at Eraño Manalo na sakop na ng Brgy. Concepcion Uno sa Lungsod Marikina.
Ayon kay Senior Fire Officer 4 Ralph Malalan, 7:14am nang ideklarang fire out ang naturang sunog na unang napaulat kaninang 6:21am ng umaga na umabot sa unang alarma.
Bukod sa mabilis na pagresponde ng mga Bumbero, tumulong din ang may-ari na si Mang Roger sa pag-apula ng apoy.
Mabuti na lamang at hindi nadamay ang katabing salon at bahay dahil mayroon itong firewall.
Wala namang nasawi o nasugatan sa naturang sunog na hinihinalang nagmula sa depektibong linya ng kuryente habang tinatayang aabot sa Php 20,000 halaga ng pinsalang idinulot nito. | ulat ni Jaymark Dagala