Aabot sa 95 pamilya o 362 na indibidwal ang hinatiran ng tulong ng Malabon City Government kasunod ng pagtama ng Super Typhoon Pepito.
Kabilang sa ipinamahagi ng pamahalaang lungsod ang hot meals at temporary shelter sa mga apektadong residente.
Sa kabuuan, anim na evacuation centers ang binuksan sa Malabon sa kasagsagan ng Bagyong Pepito. Kabilang dito ang Barangays Panghulo, Dampalit, Maysilo,Tinajeros, Longos, at San Agustin
“Agad po tayong nagpadala ng hot meals at siniguro na maayos ang kalagayan ng mga pamilyang nasa evacuation centers para sa kanilang kapakanan at kalusugan habang nananatili roon. Makakaasa po kayong tayo ay magpapaabot pa ng tulong sa mga residenteng lumikas kasabay ng Bagyong Pepito,” Mayor Jeannie Sandoval.
Namahagi naman ngayong lunes si Mayor Jeannie Sandoval ng relief packs at hygiene kits para sa mga pamilyang nananatili pa sa evacuation sites.
Kasunod nito, nagpasalamat ang alkalde sa kooperasyon ng mga residente sa pre-emptive evacuation na naging daan para matiyak ang kaligtasan ng bawat isa bago pa man dumating ang kalamidad.
“Kaya naman ang tanging hiling namin sa lahat ng ating mga kababayan ay ang patuloy na partisipasyon at koordinasyon sa mga panahong tulad nito para sa inyong kapakanan,” Mayor Jeannie. | ulat ni Merry Ann Bastasa