Itinuturing pa rin ng mga taga Meycauayan Bulacan bilang Miss Universe ng Pilipinas si Chelsea Manalo, kahit hindi nakapasok sa final round ng beauty contest na ginanap kahapon, sa Mexico.
Hindi pinalampas ng kanyang mga kababayan na mapanood sa wide screen ang 73rd Miss Universe Beauty Pageant kahit nakaalerto sa bagyong Pepito.
Sa pahayag ni Meycauayan Mayor Henry Villarica, ginawa ni Chelsea ang lahat ng kanyang magagawa para ipakita ang kagalingan at kagandahan ng isang Pilipina na taga-Bulacan.
Ikinatuwa ng opisyal ang pagsama-sama ng mga residente para panoorin ang kanilang kababayan.
Bagamat hindi pumasok sa “Top 12 “ay nagbunyi ang mga taga-Meycauayan dahil ginawaran ng titulo bilang kauna-unahang Miss Universe Asia ang kinatawan ng Pilipinas.
Pinaghahandaan naman ngayon ng kanyang mga kababayan ang pagdating sa bansa ng kanilang Miss Universe. | ulat ni Rey Ferrer