Nasa isa o dalawang bagyo pa ang inaasahan ng PAGASA na papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR), sa buwan ng Disyembre.
Pahayag ito ni PAGASA Engr. Juanito Galang Jr., sa gitna ng nagpapatuloy na monitoring ng pamahalaan sa pinakahuling galaw ng Super Typhoon Pepito.
Sa PCO-OCD briefing ngayong hapon (November 18), sinabi ng opisyal na sakali man magkaroon ng pagbabago, agad naman nila itong ipagbibigay alam sa publiko.
Sa kasalukuyan aniya, base sa kanilang pagtataya sa oras na tuluyan nang makaalis sa PAR si Pepito, inaasahan na magiging maganda na ang panahon sa Pilipinas ngayong linggo hanggang sa susunod na linggo.
Lalo’t walang nakikitang tropical cyclone o low pressure area na mabubuo sa PAR. | ulat ni Racquel Bayan