Nag-ambagan ang mga miyembro ng House Committee on Good Government and Public Accountability o Blue Ribbon Committee ng Kamara para sa P1 milyong pabuya sa sino mang makapagtuturo sa kinaroroonan ng isang nagngangalang “Mary Grace Piattos.”
Isa si Mary Grace Piattos sa mga pangalang lumabas sa acknowledgment receipt (AR) na isinumite ng Office of the Vice President kaugnay sa pinaggamitan ng kontrobersiyal na confidential funds.
Sa pulong balitaan ngayong araw, sinabi ni Zambales Representative Jay Khonghun, na mag-aambagan silang mga mambabatas para maipaabot ang pabuya sa makapagbibigay ng impormasyon kung sino at nasaan si Piattos.
Mayron din naman aniyang kaduda-dudang pangalan sa mga isinumiteng AR, ngunit si “Mary Grace Piattos” ang tila may pinakamalaking nakuha.
“Kami sa Blue Ribbon Committee at sa Quadcom, aming binibigyan ng importansya na dumating yung mga ipinatawag natin, lalong-lalo na pati yung mga pirmirma ng Acknowledgement Receipt. So nagusap kami, boluntaryo magbibigay kami ng pabuya ng 1 million pesos sa kung sino makakapag-sabi o makakapag-bigay ng information kung sino si Mary Grace Piattos…So kinakailangan natin, yan yung kahalagahan na malaman natin kung ano yung katatuhanan at napaka-importante na yung mga tao mismo na tumanggap ng pondo, pumirma sa Acknowledgement Receipt e makausap din at makausap at umattend ng hearing at isa nga nga dito si Mary Grace Piattos.” sabi ni Khonghun
Sabi pa ng mambabatas, na kung hindi totoo si ‘Mary Grace Piattos’ ay masasabing hindi rin totoo o fictitious ang mga pangalang ginamit sa isinumiteng AR. | ulat ni Kathleen Forbes